Pabahay at Lupa: Mga Hamon at Solusyon
Day 36 of 45 Marami tayong minanang problema sa pabahay at lupa. Halos lahat ng barangay natin ay may isyu sa lupa. Marami rito ay deka-dekada nang problema, pero sa tagal ng panahon ay hindi nasolusyunan. Ito ang iilan sa mga ginawa natin mula 2019 para maayos ang mga problemang ito: 1. Pagaayos ng KURYENTE, TUBIG, at iba pang serbisyo para sa mga relocatee natin sa Tanay. (Maraming dinemolish at sapilitang pinalipat doon kahit na hindi pa pala maayos ang relocation site.) 2. Napatituluhan na ng LGU ang Lots 2&3, Santolan. (LGU at mga residente na ang maguusap kaya wala nang pangamba.) 3. Nakabili tayo ng 4,750 sq.m. na lupa para sa IN-CITY (IN-BARANGAY pa nga) na relocation para sa mga matatamaan ng revetment wall sa tabing-ilog. 4. Proposed Development Plan para sa Lot 11-A, Santolan (naantala nga lang ang consultation meetings dahil sa pandemya). 5. Usufruct Agreement para sa lupa na tatayuan ng 600-unit na pabahay sa ilalim ng Rosario Floodway People's Plan. Nakasalang na rin ang proyekto sa SHFC (their approval is expected soon). 6. Nag-file tayo ng Expropriation Proceedings para sa in-city ~5 hectare na lupa para sa relokasyon ng mga nasa danger zones ng Floodway. 7. Successful negotiations between the LGU and landowner for the purchase of ISMAR Kalawaan. Namagitan din tayo para mapag-isa ang dalawang samahan dito para maging maayos ang maaaring pagpasok sa CMP. 8. Naipasa ang Pasig Housing Code Ordinance at ordinansa para maitatag ang Pasig Urban Settlements Office (PUSO). Kasama rito ang reporma sa sistema at guidelines.. ayaw na natin sa lumang kalakaran kung saan nagka-unit pa ang iilang KONSEHAL sa "SOCIALIZED HOUSING" ng LGU (ano ba yun…) 9. Binabaan ang sobra sobrang penalties sa mga nakatira sa LGU bliss housing– compounded interest dati kaya may umaabot sa milyon ang babayaran. (Nagka amnesty rin.) 10. Pag-verify at pagbayad sa mga lupang kinuha ng LGU nung 1990s pero hindi pa nababayaran (expropriated without compensation). Hindi po ito kumpletong listahan. Unang sampu lang na naisip ko. (Nauna lang yung Numbers 1-4 dahil galing sa Santolan ang #GitingNgPasig kanina.) Ang mga solusyon sa mga problemang ito ay mahirap, pinag-aaralan, at pinaghihirapan. Kung madali lang ang mga solusyon, hindi na sana umabot ng deka-dekada yung ibang mga problema. (Kaya mag-ingat tayo sa mga politiko na kung magsalita ay napakatamis , pero kapag hinimay mo ang sinasabi ay halatang hindi naman talaga alam ang mga suliranin.) Basta tuloy-tuloy lang tayong magtatrabaho, tuloy-tuloy ang pagbabago. #IbaNaNgayon